Katapatan ang isa sa mga katangian na talaga namang kahanga-hanga at mayroong kaakibat na pagpapala. Maraming tao ang maaring magpatunay nito at isa na nga dito ang batang security guard na nagtatrabaho sa Foodland grocery store sa Kahului, Hawaii.
Image source: Good news network
Siya ay nakilala bilang si Aina Townsend, 22-taong gulang at magandang balita ang hatid niya nang kumatok sa pintuan ng kanilang customer na si Chloe Marino sabay abot ng naiwang wallet. Laking gulat ng customer na si Chloe dahil hindi niya namalayang nawawala na pala ang kaniyang gamit sa sobrang abala nito sa pamimili kasama ang limang-taong gulang na anak kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat niya kay Aina.
Image source: Good news network
Mas lalo pa itong namangha sa kabutihang-loob ng security guard nang malamang bisikleta lang ang gamit nito sa paglalakbay sa mahigit tatlong milya na bulubunduking kalsada.
Dahil sa nangyari, nag-abot ng pabuya si Chloe at ang asawa nito ngunit tumanggi ang security guard at sinabing ginawa niya ang bagay na ito dahil alam niya ang pakiramdam na mawalan ng isang mahalagang bagay kagaya ng wallet at pera.
Image source: Good news network
Bilang ganti ay ibinahagi ng customer ang nasabing kwento ng katapatan sa Facebook at isa sa kanilang mga kaibigan ay nagsagawa naman ng kampanya sa GoFundMe upang makaipon ng pondo para sa plano nilang sorpresa para sa butihing security guard. Matapos ang kampanya ay nakalikom sila ng umabot sa $25,000 o mahigit kumulang 1.2 milyong piso!
Image source: Good news network
Ibinili nila ito ng kotse na 2017 VW Jetta at ibinigay sa guard bago sumapit ang Bagong Taon. Hindi halos makapaniwala ang security guard sa kaniyang narinig nang sabihin nina ng mag-asawa na ang kotse ay nakapangalan na sa kaniya.
Image source: Good news network
Abot-langit ang pasasalamat na tugon ng butihing guwardiya dahil sa wakas ay mayroon ng magagamit na sasakyan ang kaniyang buong mag-anak. Halos maiyak ito sa tuwa sapagkat hindi naman siya naghahangad ng kapalit subalit labis labis ang biyaya na kaniyang natanggap.
Tunay ngang ang mabubuting bagay na ginagawa natin sa ating kapwa ay magbubunga rin ng ibayo pang pagpapala na hindi natin halos inaakala.