Isa sa mga kursong mahirap pag-aralan sa kolehiyo ay ang mga kursong medisina sapagkat taon taon ang iyong gugugulin para lamang makapasa ang isang estudyante dito. Maliban kasi sa mga kailangang kabisaduhin at pagdaanang training ay mas mahaba rin ang taon na kailangang gugulin ng mga estudyante para dito.

Ganoon pa man, marami pa rin sa mga kabataan ang nagsusumikap na maabot ang ganitong pangarap hindi lamang para sa sarili kundi para na rin makatulong sa ating mga kababayan. Sa katunayan, isang pamilya ng mga doktor ang naging viral kamakailan lang sa social media matapos ibahagi ng Tatay nila ang kwento patungkol sa tatlo niyang anak na sumunod sa yapak nilang mag-asawa.

Ang nasabing doktor ay walang iba kung hindi si Doctor Eric Peralta. Sa kaniyang Facebook post, ipinakita niya kung gaano siya ka-proud sa kaniyang mga anak dahil sa kanilang tiyaga sa pag-aaral ng kursong medisina.

Ang bunso kasi nitong si Federico Adriano Peralta IV na nagtapos sa paaralan ng University of Santo Tomas ay siyang nag-top sa ginanap na 2019 Physician Licensure Examination at nakakuha ng rating na 90.92%. Hindi lamang ito ang ibinida ng ama sa kaniyang social media post kundi pati na rin ang ilan pang awards na natanggap ng anak habang nag-aaral kagaya na lamang ng pagiging Magna Cum Laude sa kursong BS Medical Technology (BSMT) noong 2014 at pagiging Summa Cum Laude at Valedictorian ng Batch 2018 noong nag-aaral siya ng medisina.

Talaga namang kahanga-hanga itong si Federico ngunit hindi lang pala siya ang nag-iisang topnotcher sa mga anak ni Dok Eric, dahil silang tatlong magkakapatid ay nakapagtapos din pala ng medisina at gumawa ng marka sa mga ginanap na Physician Licensure Examination!


Ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na babae ay naging sentro rin ng atensyon ng nakararami. Si Ana Bianca Eloise, panganay sa magkakapatid ay nagtapos ng BSMT bilang cum laude noong 2010 at magna cum laude naman sa kursong medisina noong 2014. Maliban dito ay hinirang siyang Top 6 sa ginanap na 2015 Physician Board Exam.

Samantala, ang pangalawang anak ni Dok Eric na si Ana Eryka Elaine ay sumunod din sa yapak ng kaniyang ate at nagtapos bilang magna cum laude sa BSMT noong 2012 at magna cum laude din sa kursong medisina noong 2016. Hindi rin ito nagpatalo at hinirang na Top 5 noong 2017 Physician Board Exam!

Dahil dito ay abot langit ang ligaya ng mag-asawa na Eric at Ana dahil ang kanilang paglilingkod sa bayan bilang mga doktor ay namana rin ng tatlo nilang anak. Masaya sila dahil hindi lamang talino sa pag-aaral ang naipamana nila kina Bianca, Eryka at Eric kundi higit sa lahat ang puso at kagustuhan na makatulong sa mga nangangailan.